Nakiisa sa pagdiriwang ng buwan ng Wikang Pambansa ang Eastern Visayas State University sa unang lunes ng Agosto sa pamamagitan ng pagsuot ng Barong at Filipiniana sabay sa pagbibigay-pugay sa watawat ng Pilipinas. Binigyang diin ang pagsisimula ng pagdiriwang ang “unang sipat sa poster” para sa taong 2021 kasama ang Pangulo ng Unibersidad, Dr. Dennis C. De Paz, Pangalawang Pangulo ng mga Pang-Akademikong Usapin, Dr. Lydia M. Morante, Dekana ng Kolehiyo ng Sining at Agham Dr. Fatima Socorro M. Quianzon at Tagapangulo ng Departamento ng mga Wika at Literatura, Dr. Glenda B. Tupaz.
Pinangasiwaan naman ni Bb. Jeremiah S. Sumilang ang pagpapabatid ng kabuuang gawain at pagbibigay kaalaman tungkol sa pagdiriwang ng buwan ng Wika na may temang: “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.” Ito ay bilang paggunita sa Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel L. Quezon at pagpapahalaga sa iba pang wikain at kulturang Pilipino. Matatandaan nauna nang inilunsad ang pambungad na programa kaugnay sa pagdiriwang ng buwan ng wika sa ginanap na limang araw na webinar tungkol sa Waray Culture and the Arts noong ika-22-26, 2021. Samantalang ang opisyal na pagbubukas ng mga patimpalak ay gagawin sa ikalawang linggo ng Agosto sabay sa pasukan ng unang semester para sa taung panuruan 2021-2022, ilalatag at pangungunahan ito ng Departamento ng mga Wika at Literatura sa ilalim ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham.
Hinihikayat naman ang lahat ng mga mag-aaral na makilahok sa lahat ng mga gawaing kaugnay sa nasabing pagdiriwang sa kabila na ang lahat ng aktibidad ay gagawing onlayn. Ang iba pang mga detalye sa mga nasabing gawain ay ibabahagi sa EVSU-Languages and Literature FB Page. Ito ay bukas sa lahat ng kolehiyo kasama na ang Laboratory School Department.
Mabuhay ang EVSU.
Mabuhay ang Wikang Filipino.
Mabuhay ang Katutubong Pilipino!